6.8.16

Ghostbusters


(Larawan mula sa Wikipedia)



Hindi ko alam kung alin sa mga orihinal na pelikula ang napanood ko, pero napanood ko 'yung cartoons. "What's Piotr?" tanong ni Peter. "It's Peter, Peter," sabi ni Egon. "Peter Peter?" sabi ni Peter.
Nagustuhan ko naman itong Ghostbusters, lalo't na gusto ko si Kristen Wiig, at wala akong problema kay Melissa McCarthy (gustong-gusto ko kasi ang Bridesmaids). Medyo may problema ako kay Chris Hemsworth (distraction kasi s'ya), pero buti na lang at naandito si Kate McKinnon, na supercrush ko kahit na supporter ni Clinton.
Ang hindi nga lang mailigtas ni McKinnon ay ang ending ng pelikula. Una, 'yung eksena kung saan inilabas nila lahat ng bago nilang gadgets. Ang dating, pinagpapatay nila ang mga multo gamit ang kanilang proton laser (??), samantalang di naman nakakapatay ang mga iyon, di man lang nga sila nakaka-knock out e, ang tangi nilang nagagawa ay maparalisa ang multo nang panandalian para mahuli ang mga ito. Pero ang mas malaking problema ay ang pag-iwan ni Rowan sa katawan ni Kevin. Alam kong "masaya" dapat ang Ghostbusters, kaya di ko sasabihing dapat pinatay n'ya ito, pero di man lang ba n'ya magawang ibalibag?
Syempre pa, kailangan nating alalahaning walang multo, at hindi tayo dapat natatakot sa multo, o nag-aalay ng pagkain sa mga multo. Hindi rin sila nagpapadala ng mensahe na dapat nating sundin para magkaroon ng katahimikan sa buhay.
"Napanood" ko rin nga pala ang Lights Out, na dalawang daang piso lang yata ang budget, at ubod ng pangit, pero syempre kalahati ng pelikula nakapikit ang mga mata ko, kasi matatakutin akong tao. May kontradiksyon dito, di ko na babanggitin.
So anong gagawin natin? Unang-una, ipagbabawal na ang pagpapalabas ng mga pelikula tulad ng Lights Out, kasi kung gusto kong manood ng pangit na horror, dapat ay pelikulang Filipino ito. Pangalawa, kokontian na lang din ang pagpasok ng mga tulad ng Ghostbusters. Bagaman hindi sila masamang tao, di naman sa Pilipinas nagbabayad ng buwis sina Wiig at McCarthy, at di bumabalik sa atin ang bayad natin para panoorin silang maggaguhan.

1.8.16

The Reader


Kate Winslet (larawan mula sa Wikipedia)


Sino ba ang ninakawan sa Oscars noong taon ng Titanic? Si Leo ba, na di nanominate, o si Kate na natalo? O baliktad ba? Ang alam ko, minsan lang ako nakanood ng Titanic, at nang obyus nang magpapakita ng utong si Kate, umakyat na ako at natulog. Opo, noong unang panahon, ako na ang konserbatibo.
Pero hindi naman ako narito para idiskas ang Titanic, o ang pelikulang bersyon man lang ng The Reader, kundi ang librong pinagbasehan ng huli. Nagustuhan ko ba ang libro? Sapat nang sabihing pinag-isip n'ya ako tungkol sa estilo at moralidad, muli, sa bago at makapangyarihang paraan. Ano pa ba ang hihingin natin sa likhang pampanitikan?
Pinakamahusay ang tahimik, ayon sa isang mahusay na mambabasa, na moda sa unang bahagi ng nobela, na simpleng pagkukwento ng unang pag-ibig. Pinakagusto ko ang paglalarawan ng frustration pag di ka pinansin ng taong gusto mong sorpresahin dapat. Syempre pa, kailangang sabihin, hindi dapat nakikipagtalik sa kinse anyos.
Bumigat ang tono nang malahad na ang nakaraan ni Hanna, at ewan ko lang ang, bagaman may sopistikasyon, meron ding mga pinapalagay ang teksto na hindi ko shineshare. Mahirap pag-usapan ang Holocaust sa isang wala pang 500 salita na blog post, so iwan na lang natin ang paksang ito.
Ang pinakahindi ko gusto sa nobela'y ang pagpapakamatay ni Hanna sa dulo. Akala ko talaga nakakuha na s'ya ng kaunting katahimikan. Hindi man sila magkabalikan ni Michael, atlist makakasama n'ya ito paminsan para basahan s'ya. Pwede s'yang magtrabaho sa grocery tulad nung nagpakamatay din sa The Shawshank Redemption. Kundera: Isang araw may pahintulot na tayong tumatawa tungkol sa mga joke tungkol sa Holocaust. At siguro, pwede na rin tayong malungkot tungkol sa mga naudlot na pag-iibigan.

Star Trek Beyond


Larawan mula sa Wikipedia



Kaso ba ito ng ubod ng pangit na Phantom Menace at passable na Attack of the Clones? Pero hindi, magandang pelikula ang Star Trek Beyond, gaano man ka hindi nakakatawa ang ilang jokes. Hindi ko pa rin gusto si Chris Pine at ang kanyang Kirk, pero natiis ko naman s'ya kahit papaano.
May nabasa akong rebyu na wirdo raw ang solusyon sa kahusayan ng kalaban na ginamit ng Enterprise crew para manalo. Hindi naman wirdo, bagaman mas mahusay pa sana ang pag-foreshadow. Ang mas hindi ko gusto ay ang "twist" tungkol sa tunay na identidad ng kalaban. Pati actually ang buo n'yang motibasyon. Galit sya sa Federation kasi... di sila narescue? At ang solusyon dito ay... wag mag-explore? Hindi ko rin gusto yung bagong tauhan na naging kaibigan ni Scotty, at hindi ko man lang aalamin kung ano ang pangalan n'ya.
Pakaraming problema, ba't ko nga ba nagustuhan? Siguro dahil pinakita nila ang asawa't anak ni Sulu? Siguro dahil mahal ni Spock si Spock, at si Uhura. Siguro dahil kupal 'yung alien na nagtaksil kina Kirk. Siguro dahil andun 'yung chubby na kaibigan ni J. J. Abrams? Siguro kasi, ampangit-pangit lang talaga ng Into Darkness, at nagpapasalamat ako sa sansinukob na hindi rin disaster itong Beyond.
Wala nang susunod na pelikula dito sa matagal na panahon. May parating na TV show sa 2017 ata, at syempre bukas naman ang isip ko, dahil gusto ko talaga ang Star Trek bilang palabas sa telebisyon imbes na pelikula. Pero kahit na di ko gusto si Pine at si Kirk, iba na naman iyon sa nakasanayan kong mga mukha. Anthology raw ang format e, baka naman maganda. Ang gusto ko lang naman sa Star Trek ay iyong mga parabola tulad ng "Cogenitor," pagpapalapot ng moralidad tulad ng "Rocks and Shoals," o paglalaro sa panahon tulad ng "Shattered." Kung meron ng tig-iisang ganyan na nakapaloob sa isang "action" arc, kontento na ako.

11.7.16

Marco Polo, Season 2



(Zhu "Kokachin" Zhu, larawan mula sa Wikipedia)



Ano bang problema ng season na 'to't paka-disappointing? Dahil ba mas mahusay na kontrabida si Jian Sidao kaysa kay Ahmad? Hindi lang sa mas mahusay si Sidao, kundi di talaga ako makasakay sa mga "mastermind" na uri ng kontrabida. Minsan merong wow twist moments, pero mas madalas meron lang pagtataka kung paano nagawa ni ganito ang ganire e ganun at ganyan. Pakarami kasing salik e, di mo makokontrol lahat. Sana kung si Darth Sidious ka, maniwala pa ako.
Gusto ko pareho ang backstory ng dalawang kontrabida. Ang pagiging in love ni Sidao sa sex worker n'yang kapatid. Ang pakikipagtalik ni Ahmad sa sex worker n'yang nanay. Ang paraan para malaman kung sino ang magiging masamang tao sa mundo ng Marco Polo: sino sa kanila ang umiibig sa sex worker?
Nabanggit din naman ang mga sex worker, mas kaunti ang nakahubad sa season na ito. Kaso meron pa rin. Ba't di na lang sila pumili sa pagitan ng wala at todo-todo? Sino ba kasi ang gusto ng balanse?
Sa unang season, di ko maintindihan kung ano ang problema ni Yusuf at umamin s'yang nakipagsabwatan laban kay Kublai. Di ko pa rin magets hanggang ngayon. Ang maganda sa season 2, walang ganyang kalituhan. Ang hindi maganda sa season 2, gaano ba katanga si Ahmad at inisip n'yang di s'ya pagtataksilan ni Mei Lin pag inilagay niya sa panganib ang anak nito, samantalang lahat nga ng ginagawa ni Mei Lin ay para dun sa bata?
May saysay na ngayon ang "Marco Polo: One Hundred Eyes," pero na-disappoint din ako kay Hundred Eyes, kasi di s'ya nakipagbalikan kay Lotus. Tungkol kay Kublai, sinabi ni Marco: "Mas matindi ang kanyang kadakilaan kumpara sa kanyang mga kahinaan." Talaga bang magsisilbi ang kahit sino sa isang taong malay na pumapatay ng bata? Sabagay, drones. Pero iyon na nga. Hindi kahanga-hanga si Kublai, kahit emperador ang batang pinatay n'ya, at hindi na rin kahanga-hanga si Hundred Eyes.
Pero hindi naman tayo nanonood ng telebisyon para humanga sa kabaitan ng mga tao. Pag lumalabas si Lotus, gumaganda ang palabas, kasi pag nandun s'ya laging may karatehan (kung fuhan?). Gusto ko rin ang arc ni Kokachin, at naniwala talaga akong sumulpot muli ang Blue Princess (ayaw ko talaga sa mga kwento ng kabaliwan). (Ang ayaw ko rin, mas lalo pa, ay ang pagpapakamatay n'ya sa dulo, dapat talaga pinatay na lang s'ya nang diretso ni Chabi.) Pinakamaganda ang pagpatay ni Kublai sa batang emperador. Sunod na pinakamahusay ay ang pagpatay ni Jingim kay Orus.
Mas maraming problema ang season 1 kumpara sa 2 (di ko pa rin magets kung bakit di napatay ni Hundred Eyes si Sidao sa una nilang laban, tas sa pangalawa ay nagawa na n'ya), pero mas gusto ko pa rin ang una sa huli. Sana sa season 3, mas marami silang patayin na crusaders. 

8.7.16

Children of the Pearl


(Larawan mula sa Wikipedia)




Medyo nag-alala ako sa simula ng pagbabasa sa nobelang ito. May pagka-orientalist: sa unang kabanata pa lang ay may pinupugutan na ng ulo at umiinom ng dugo. (Paano kaya kung ang isang buong bayan ay irejus sa imahen ng pagkain ng aso?) Pero inilarawan din naman ang kasakiman ng mga norteamerikano, so makokontento na ako sa pagiging liberal ng representasyon. Sige, representasyonal pa rin, pero anong gagawin mo?
Sa totoo, naroon din naman ang lakas ng nobela. Iyong pang-aapi sa mga imigrante'y napapanahon lalo na ngayon sa sumisikip nating mundo, kung saan malaya ang mga komoditi pero nakakulong ang mga tao. Ako ritong nangangarap sa universal citizenship ay napaalalahanang hindi mapakasalan ng mga hindi puti ang mga puting mahal nila/sila dahil sa racismo.
Syempre pa may pagkukulang ang nobela. Nariyan ang palagiang paggamit ng panggagahasa para pataasin ang tensyon (problema sa representasyon?), nariyan ang pantasya ng sex worker na makakahanap ng nagmamahal sa kanya. (Pambabae ang punto de bista sa sex scene, dow.) Sino nga ba ang pinagsisilbihan ng mga pantasyang ito? Mayroong pagtatangkang ilarawan ang mga wirdong tradisyon ng mga puti, at ng mga hindi puti, at mayroong hibo rito ng relatibismo. Walang halagahang unibersal, pero merong niyuyuniversalayz, at hindi dapat tayo mabitag ng "kanya-kanyang trip/tradisyon 'yan."
Nagustuhan ko ang mga bahagi ng pelikulang The Joy Luck Club na napanood ko, at sa tingin ko'y kasama ng boom na dulot ng nobelang pinagbasehan nun ang pagkalat ng mga ganitong klaseng nobela. Multihenerasyonal, sprawling, may masaya may malungkot na karanasanan. Kailangan natin ng mas marami pang nobelang katulad nito sa Filipino. Mas drama kaysa makabayan.
Malapot ang treatment ng nobela ni Ching Yun Bezine sa pakikiapid, at para dito'y hinahangaan ko s'ya. Kaso pinatay n'ya 'yung pintor (spoiler alert) sa dulo, kaya hindi ganoong kalakas ang aking paghanga. Pero, sa huli, winasak naman n'ya si Chiang Kai Shek, at sa buong nobela'y winawasak n'ya ang mga mayaman. So, o sige na nga, nasa kanya na ang aking respeto.