11.7.16

Marco Polo, Season 2



(Zhu "Kokachin" Zhu, larawan mula sa Wikipedia)



Ano bang problema ng season na 'to't paka-disappointing? Dahil ba mas mahusay na kontrabida si Jian Sidao kaysa kay Ahmad? Hindi lang sa mas mahusay si Sidao, kundi di talaga ako makasakay sa mga "mastermind" na uri ng kontrabida. Minsan merong wow twist moments, pero mas madalas meron lang pagtataka kung paano nagawa ni ganito ang ganire e ganun at ganyan. Pakarami kasing salik e, di mo makokontrol lahat. Sana kung si Darth Sidious ka, maniwala pa ako.
Gusto ko pareho ang backstory ng dalawang kontrabida. Ang pagiging in love ni Sidao sa sex worker n'yang kapatid. Ang pakikipagtalik ni Ahmad sa sex worker n'yang nanay. Ang paraan para malaman kung sino ang magiging masamang tao sa mundo ng Marco Polo: sino sa kanila ang umiibig sa sex worker?
Nabanggit din naman ang mga sex worker, mas kaunti ang nakahubad sa season na ito. Kaso meron pa rin. Ba't di na lang sila pumili sa pagitan ng wala at todo-todo? Sino ba kasi ang gusto ng balanse?
Sa unang season, di ko maintindihan kung ano ang problema ni Yusuf at umamin s'yang nakipagsabwatan laban kay Kublai. Di ko pa rin magets hanggang ngayon. Ang maganda sa season 2, walang ganyang kalituhan. Ang hindi maganda sa season 2, gaano ba katanga si Ahmad at inisip n'yang di s'ya pagtataksilan ni Mei Lin pag inilagay niya sa panganib ang anak nito, samantalang lahat nga ng ginagawa ni Mei Lin ay para dun sa bata?
May saysay na ngayon ang "Marco Polo: One Hundred Eyes," pero na-disappoint din ako kay Hundred Eyes, kasi di s'ya nakipagbalikan kay Lotus. Tungkol kay Kublai, sinabi ni Marco: "Mas matindi ang kanyang kadakilaan kumpara sa kanyang mga kahinaan." Talaga bang magsisilbi ang kahit sino sa isang taong malay na pumapatay ng bata? Sabagay, drones. Pero iyon na nga. Hindi kahanga-hanga si Kublai, kahit emperador ang batang pinatay n'ya, at hindi na rin kahanga-hanga si Hundred Eyes.
Pero hindi naman tayo nanonood ng telebisyon para humanga sa kabaitan ng mga tao. Pag lumalabas si Lotus, gumaganda ang palabas, kasi pag nandun s'ya laging may karatehan (kung fuhan?). Gusto ko rin ang arc ni Kokachin, at naniwala talaga akong sumulpot muli ang Blue Princess (ayaw ko talaga sa mga kwento ng kabaliwan). (Ang ayaw ko rin, mas lalo pa, ay ang pagpapakamatay n'ya sa dulo, dapat talaga pinatay na lang s'ya nang diretso ni Chabi.) Pinakamaganda ang pagpatay ni Kublai sa batang emperador. Sunod na pinakamahusay ay ang pagpatay ni Jingim kay Orus.
Mas maraming problema ang season 1 kumpara sa 2 (di ko pa rin magets kung bakit di napatay ni Hundred Eyes si Sidao sa una nilang laban, tas sa pangalawa ay nagawa na n'ya), pero mas gusto ko pa rin ang una sa huli. Sana sa season 3, mas marami silang patayin na crusaders. 

8.7.16

Children of the Pearl


(Larawan mula sa Wikipedia)




Medyo nag-alala ako sa simula ng pagbabasa sa nobelang ito. May pagka-orientalist: sa unang kabanata pa lang ay may pinupugutan na ng ulo at umiinom ng dugo. (Paano kaya kung ang isang buong bayan ay irejus sa imahen ng pagkain ng aso?) Pero inilarawan din naman ang kasakiman ng mga norteamerikano, so makokontento na ako sa pagiging liberal ng representasyon. Sige, representasyonal pa rin, pero anong gagawin mo?
Sa totoo, naroon din naman ang lakas ng nobela. Iyong pang-aapi sa mga imigrante'y napapanahon lalo na ngayon sa sumisikip nating mundo, kung saan malaya ang mga komoditi pero nakakulong ang mga tao. Ako ritong nangangarap sa universal citizenship ay napaalalahanang hindi mapakasalan ng mga hindi puti ang mga puting mahal nila/sila dahil sa racismo.
Syempre pa may pagkukulang ang nobela. Nariyan ang palagiang paggamit ng panggagahasa para pataasin ang tensyon (problema sa representasyon?), nariyan ang pantasya ng sex worker na makakahanap ng nagmamahal sa kanya. (Pambabae ang punto de bista sa sex scene, dow.) Sino nga ba ang pinagsisilbihan ng mga pantasyang ito? Mayroong pagtatangkang ilarawan ang mga wirdong tradisyon ng mga puti, at ng mga hindi puti, at mayroong hibo rito ng relatibismo. Walang halagahang unibersal, pero merong niyuyuniversalayz, at hindi dapat tayo mabitag ng "kanya-kanyang trip/tradisyon 'yan."
Nagustuhan ko ang mga bahagi ng pelikulang The Joy Luck Club na napanood ko, at sa tingin ko'y kasama ng boom na dulot ng nobelang pinagbasehan nun ang pagkalat ng mga ganitong klaseng nobela. Multihenerasyonal, sprawling, may masaya may malungkot na karanasanan. Kailangan natin ng mas marami pang nobelang katulad nito sa Filipino. Mas drama kaysa makabayan.
Malapot ang treatment ng nobela ni Ching Yun Bezine sa pakikiapid, at para dito'y hinahangaan ko s'ya. Kaso pinatay n'ya 'yung pintor (spoiler alert) sa dulo, kaya hindi ganoong kalakas ang aking paghanga. Pero, sa huli, winasak naman n'ya si Chiang Kai Shek, at sa buong nobela'y winawasak n'ya ang mga mayaman. So, o sige na nga, nasa kanya na ang aking respeto.

3.7.16

The Achy Breaky Hearts


(Larawan mula sa Wikipedia)




Gusto ko lang sabihing nakakatawa si Jodi Sta. Maria. Di ko akalain. Di ko malaman kung ano ang role n'ya sa Tabing Ilog, pero alam ko di s'ya nagpapatawa sa Be Careful with My Heart. Anong ibig sabihin pag remarkabol ang pagiging nakakatawa ng isang aktor? Gusto ba natin silang ikulong sa mga papel na nakasanayan na nating ginagampanan nila? Nakakatawa si Jodi Sta. Maria, pero sana magstik s'ya sa feel good roles.
Hindi sa hindi feel good ang The Achy Breaky Hearts. Bagaman mapaglaro si Jadaone sa tropes ng pelikulang Filipino (usapan sa may pintuan, sayawan portion, atbp), hindi naman ito Babae sa Septic Tank. Siguro pwede tayong magkoyn ng formula para sa mga pelikulang Jadaone: ang nakaraan, nang may baryasyon.
At anong uring baryasyon! Mas mahusay syempre ang unang ending, mag-isa si Jodi ay masaya, pero katanggap-tanggap naman ang pangalawa. Minsan talaga, ang pwede mo lang piliin ay wag pumili. Lalo na kasi't di naman limitado talaga sa dalawang tao ang pwede mong pagpilian.
Kamatayan nga lang sa product placement. (Adik po ako sa Coke. Masarap po ito.) At ansama lang ng mensahe tungkol sa unwanted pregnancies (abortion po at hindi kasal ang sagot). Saka kailangan talagang sabihin, Jodi, limang taon kayo ni Sir Chief, di ka ipinakilala sa mga magulang, pakiramdam mo talaga magsasama kayo sa ilalim ng isang bubong? #goian
Ano bang dapat nating gawin sa mga pelikulang ganito? Aba'y dapat suportahan at panoorin sa sinehan. Kailangan talagang kung papanoorin sa sinehan ay Filipinong pelikula lang dapat. Kung di mapigilan ang manood ng mulang Hollywood, piratahin na lang. (Kunwaring may gustong pelikulang Hapon o galing sa Europa, katanggap-tanggap ding panoorin ang mga ito sa sinehan.)