28.6.16

Saints and Scholars


Terry Eagleton (Larawan mula sa Wikipedia)



Noon ko pa itong gustong mabasa at ngayon nabasa ko na. Meron palang mga layunin na di dapat maatsiv. Hindi naman sa pangit ang Saints and Scholars, di nga lang ito kagandahan. Jusko, lahat kasi ng magandang hirit ni Eagleton ay inuulit n'ya. 'Yung tungkol sa wika, tungkol sa Diyos, atbp. Mahusay pa rin na linya: "Anong gusto mo, makulong na lang tayo sa bahay-bilangguan ng wika?"
Kaantig pa rin ng damdamin ang pag-usig niya sa kolonyalismong Ingles, ang paglalahad ng mga krimen nito laban sa Ireland. Nako, pero mas maraming ganyan dito, at syempre dapat kong unahin ang sa atin. Kung sabagay, siguro dapat ding alalahanin, magkaisa sa tayo sa paghahanap ng katarungan.
Pinakapangit na libro ni Eagleton ang Trouble with Strangers, kahit na pangit din naman ang How to Read a Poem at The Function of Criticism. Bukod sa mali-mali tungkol kay Nietzsche, bagaman interesante tungkol kay Badiou, pagkakamali ni Eagleton ang maging boring. Siguro kasi, sinubukan n'yang habaan ang gawa. E amboring. Sa ngayon, pinakamaganda pa rin n'ya ang Marxism and Literary Criticism, bagaman maraming mabuting bagay ang pwedeng masabi tungkol sa Ideology: An Introduction. Galit na galit s'ya kay Richard Rorty.
Dito sa nobela ewan ko ba. Supersama naman ni Stephen ba't s'ya nakipagtanan kay Molly? Di ba n'ya friend si Bloom? Tsaka engot lang ni Molloy, ba't di n'ya binaril agad 'yung Ingles na papatay kay Connolly. Tsaka walang silbi sila Wittgenstein at Bakhtin. Sa tingin ko ang pinakamalaking problema nito, masyado s'yang madaling gawin. Di na kailangan ng "pagbuo," me ideya na naman ang mambabasa tungkol sa lahat ng tauhan. Sino ba naman ang hindi makikisimpatya sa mga rebelde? Kaya ang pinakamahirap na ginawa dito ni Eagleton ay ang pag-atake sa sariling paniniwala (via W at B), at ang paglalaro sa wika at sa ideya ng wika at mito (na, sa totoo lang, ay hindi rin naman siguro ganung kahirap para sa kanya).
Syempre dapat wala nang paghihiwalay ng paggawa (intelektwal, manwal), paggawang-intelektwal (kritiko, malikhaing manunulat), at genre (nobela, dula). Tulad din ng kabuuan ang kritisismo ni Eagleton, merong good parts, meron bad. Kaso nga paulit-ulit. Di ko na rin pinapatulan 'yung mga libro n'ya teolohikal. Basahin ko na lang ulit ang After Theory.