(Larawan mula sa Wikipedia) |
Medyo nag-alala ako sa simula ng pagbabasa sa nobelang
ito. May pagka-orientalist: sa unang kabanata pa lang ay may pinupugutan na ng
ulo at umiinom ng dugo. (Paano kaya kung ang isang buong bayan ay irejus sa
imahen ng pagkain ng aso?) Pero inilarawan din naman ang kasakiman ng mga
norteamerikano, so makokontento na ako sa pagiging liberal ng representasyon.
Sige, representasyonal pa rin, pero anong gagawin mo?
Sa totoo, naroon din naman ang lakas ng nobela. Iyong
pang-aapi sa mga imigrante'y napapanahon lalo na ngayon sa sumisikip nating
mundo, kung saan malaya ang mga komoditi pero nakakulong ang mga tao. Ako
ritong nangangarap sa universal citizenship ay napaalalahanang hindi
mapakasalan ng mga hindi puti ang mga puting mahal nila/sila dahil sa racismo.
Syempre pa may pagkukulang ang nobela. Nariyan ang
palagiang paggamit ng panggagahasa para pataasin ang tensyon (problema sa
representasyon?), nariyan ang pantasya ng sex worker na makakahanap ng
nagmamahal sa kanya. (Pambabae ang punto de bista sa sex scene, dow.) Sino nga
ba ang pinagsisilbihan ng mga pantasyang ito? Mayroong pagtatangkang ilarawan
ang mga wirdong tradisyon ng mga puti, at ng mga hindi puti, at mayroong hibo
rito ng relatibismo. Walang halagahang unibersal, pero merong niyuyuniversalayz,
at hindi dapat tayo mabitag ng "kanya-kanyang trip/tradisyon 'yan."
Nagustuhan ko ang mga bahagi ng pelikulang The Joy
Luck Club na napanood ko, at sa tingin ko'y kasama ng boom na dulot ng
nobelang pinagbasehan nun ang pagkalat ng mga ganitong klaseng nobela.
Multihenerasyonal, sprawling, may masaya may malungkot na karanasanan.
Kailangan natin ng mas marami pang nobelang katulad nito sa Filipino. Mas drama
kaysa makabayan.
Malapot ang treatment ng nobela ni Ching Yun Bezine sa
pakikiapid, at para dito'y hinahangaan ko s'ya. Kaso pinatay n'ya 'yung pintor
(spoiler alert) sa dulo, kaya hindi ganoong kalakas ang aking paghanga. Pero,
sa huli, winasak naman n'ya si Chiang Kai Shek, at sa buong nobela'y winawasak
n'ya ang mga mayaman. So, o sige na nga, nasa kanya na ang aking respeto.