Kate Winslet (larawan mula sa Wikipedia) |
Sino ba ang ninakawan sa Oscars noong taon ng Titanic?
Si Leo ba, na di nanominate, o si Kate na natalo? O baliktad ba? Ang alam ko,
minsan lang ako nakanood ng Titanic, at nang obyus nang magpapakita ng
utong si Kate, umakyat na ako at natulog. Opo, noong unang panahon, ako na ang
konserbatibo.
Pero hindi naman ako narito para idiskas ang Titanic,
o ang pelikulang bersyon man lang ng The Reader, kundi ang librong
pinagbasehan ng huli. Nagustuhan ko ba ang libro? Sapat nang sabihing
pinag-isip n'ya ako tungkol sa estilo at moralidad, muli, sa bago at
makapangyarihang paraan. Ano pa ba ang hihingin natin sa likhang pampanitikan?
Pinakamahusay ang tahimik, ayon sa isang mahusay na
mambabasa, na moda sa unang bahagi ng nobela, na simpleng pagkukwento ng unang
pag-ibig. Pinakagusto ko ang paglalarawan ng frustration pag di ka pinansin ng
taong gusto mong sorpresahin dapat. Syempre pa, kailangang sabihin, hindi dapat
nakikipagtalik sa kinse anyos.
Bumigat ang tono nang malahad na ang nakaraan ni Hanna,
at ewan ko lang ang, bagaman may sopistikasyon, meron ding mga pinapalagay ang
teksto na hindi ko shineshare. Mahirap pag-usapan ang Holocaust sa isang wala
pang 500 salita na blog post, so iwan na lang natin ang paksang ito.
Ang pinakahindi ko gusto sa nobela'y ang pagpapakamatay
ni Hanna sa dulo. Akala ko talaga nakakuha na s'ya ng kaunting katahimikan.
Hindi man sila magkabalikan ni Michael, atlist makakasama n'ya ito paminsan para
basahan s'ya. Pwede s'yang magtrabaho sa grocery tulad nung nagpakamatay din sa
The Shawshank Redemption. Kundera: Isang araw may pahintulot na tayong
tumatawa tungkol sa mga joke tungkol sa Holocaust. At siguro, pwede na rin
tayong malungkot tungkol sa mga naudlot na pag-iibigan.