Showing posts with label nobela. Show all posts
Showing posts with label nobela. Show all posts

1.8.16

The Reader


Kate Winslet (larawan mula sa Wikipedia)


Sino ba ang ninakawan sa Oscars noong taon ng Titanic? Si Leo ba, na di nanominate, o si Kate na natalo? O baliktad ba? Ang alam ko, minsan lang ako nakanood ng Titanic, at nang obyus nang magpapakita ng utong si Kate, umakyat na ako at natulog. Opo, noong unang panahon, ako na ang konserbatibo.
Pero hindi naman ako narito para idiskas ang Titanic, o ang pelikulang bersyon man lang ng The Reader, kundi ang librong pinagbasehan ng huli. Nagustuhan ko ba ang libro? Sapat nang sabihing pinag-isip n'ya ako tungkol sa estilo at moralidad, muli, sa bago at makapangyarihang paraan. Ano pa ba ang hihingin natin sa likhang pampanitikan?
Pinakamahusay ang tahimik, ayon sa isang mahusay na mambabasa, na moda sa unang bahagi ng nobela, na simpleng pagkukwento ng unang pag-ibig. Pinakagusto ko ang paglalarawan ng frustration pag di ka pinansin ng taong gusto mong sorpresahin dapat. Syempre pa, kailangang sabihin, hindi dapat nakikipagtalik sa kinse anyos.
Bumigat ang tono nang malahad na ang nakaraan ni Hanna, at ewan ko lang ang, bagaman may sopistikasyon, meron ding mga pinapalagay ang teksto na hindi ko shineshare. Mahirap pag-usapan ang Holocaust sa isang wala pang 500 salita na blog post, so iwan na lang natin ang paksang ito.
Ang pinakahindi ko gusto sa nobela'y ang pagpapakamatay ni Hanna sa dulo. Akala ko talaga nakakuha na s'ya ng kaunting katahimikan. Hindi man sila magkabalikan ni Michael, atlist makakasama n'ya ito paminsan para basahan s'ya. Pwede s'yang magtrabaho sa grocery tulad nung nagpakamatay din sa The Shawshank Redemption. Kundera: Isang araw may pahintulot na tayong tumatawa tungkol sa mga joke tungkol sa Holocaust. At siguro, pwede na rin tayong malungkot tungkol sa mga naudlot na pag-iibigan.

8.7.16

Children of the Pearl


(Larawan mula sa Wikipedia)




Medyo nag-alala ako sa simula ng pagbabasa sa nobelang ito. May pagka-orientalist: sa unang kabanata pa lang ay may pinupugutan na ng ulo at umiinom ng dugo. (Paano kaya kung ang isang buong bayan ay irejus sa imahen ng pagkain ng aso?) Pero inilarawan din naman ang kasakiman ng mga norteamerikano, so makokontento na ako sa pagiging liberal ng representasyon. Sige, representasyonal pa rin, pero anong gagawin mo?
Sa totoo, naroon din naman ang lakas ng nobela. Iyong pang-aapi sa mga imigrante'y napapanahon lalo na ngayon sa sumisikip nating mundo, kung saan malaya ang mga komoditi pero nakakulong ang mga tao. Ako ritong nangangarap sa universal citizenship ay napaalalahanang hindi mapakasalan ng mga hindi puti ang mga puting mahal nila/sila dahil sa racismo.
Syempre pa may pagkukulang ang nobela. Nariyan ang palagiang paggamit ng panggagahasa para pataasin ang tensyon (problema sa representasyon?), nariyan ang pantasya ng sex worker na makakahanap ng nagmamahal sa kanya. (Pambabae ang punto de bista sa sex scene, dow.) Sino nga ba ang pinagsisilbihan ng mga pantasyang ito? Mayroong pagtatangkang ilarawan ang mga wirdong tradisyon ng mga puti, at ng mga hindi puti, at mayroong hibo rito ng relatibismo. Walang halagahang unibersal, pero merong niyuyuniversalayz, at hindi dapat tayo mabitag ng "kanya-kanyang trip/tradisyon 'yan."
Nagustuhan ko ang mga bahagi ng pelikulang The Joy Luck Club na napanood ko, at sa tingin ko'y kasama ng boom na dulot ng nobelang pinagbasehan nun ang pagkalat ng mga ganitong klaseng nobela. Multihenerasyonal, sprawling, may masaya may malungkot na karanasanan. Kailangan natin ng mas marami pang nobelang katulad nito sa Filipino. Mas drama kaysa makabayan.
Malapot ang treatment ng nobela ni Ching Yun Bezine sa pakikiapid, at para dito'y hinahangaan ko s'ya. Kaso pinatay n'ya 'yung pintor (spoiler alert) sa dulo, kaya hindi ganoong kalakas ang aking paghanga. Pero, sa huli, winasak naman n'ya si Chiang Kai Shek, at sa buong nobela'y winawasak n'ya ang mga mayaman. So, o sige na nga, nasa kanya na ang aking respeto.

28.6.16

Saints and Scholars


Terry Eagleton (Larawan mula sa Wikipedia)



Noon ko pa itong gustong mabasa at ngayon nabasa ko na. Meron palang mga layunin na di dapat maatsiv. Hindi naman sa pangit ang Saints and Scholars, di nga lang ito kagandahan. Jusko, lahat kasi ng magandang hirit ni Eagleton ay inuulit n'ya. 'Yung tungkol sa wika, tungkol sa Diyos, atbp. Mahusay pa rin na linya: "Anong gusto mo, makulong na lang tayo sa bahay-bilangguan ng wika?"
Kaantig pa rin ng damdamin ang pag-usig niya sa kolonyalismong Ingles, ang paglalahad ng mga krimen nito laban sa Ireland. Nako, pero mas maraming ganyan dito, at syempre dapat kong unahin ang sa atin. Kung sabagay, siguro dapat ding alalahanin, magkaisa sa tayo sa paghahanap ng katarungan.
Pinakapangit na libro ni Eagleton ang Trouble with Strangers, kahit na pangit din naman ang How to Read a Poem at The Function of Criticism. Bukod sa mali-mali tungkol kay Nietzsche, bagaman interesante tungkol kay Badiou, pagkakamali ni Eagleton ang maging boring. Siguro kasi, sinubukan n'yang habaan ang gawa. E amboring. Sa ngayon, pinakamaganda pa rin n'ya ang Marxism and Literary Criticism, bagaman maraming mabuting bagay ang pwedeng masabi tungkol sa Ideology: An Introduction. Galit na galit s'ya kay Richard Rorty.
Dito sa nobela ewan ko ba. Supersama naman ni Stephen ba't s'ya nakipagtanan kay Molly? Di ba n'ya friend si Bloom? Tsaka engot lang ni Molloy, ba't di n'ya binaril agad 'yung Ingles na papatay kay Connolly. Tsaka walang silbi sila Wittgenstein at Bakhtin. Sa tingin ko ang pinakamalaking problema nito, masyado s'yang madaling gawin. Di na kailangan ng "pagbuo," me ideya na naman ang mambabasa tungkol sa lahat ng tauhan. Sino ba naman ang hindi makikisimpatya sa mga rebelde? Kaya ang pinakamahirap na ginawa dito ni Eagleton ay ang pag-atake sa sariling paniniwala (via W at B), at ang paglalaro sa wika at sa ideya ng wika at mito (na, sa totoo lang, ay hindi rin naman siguro ganung kahirap para sa kanya).
Syempre dapat wala nang paghihiwalay ng paggawa (intelektwal, manwal), paggawang-intelektwal (kritiko, malikhaing manunulat), at genre (nobela, dula). Tulad din ng kabuuan ang kritisismo ni Eagleton, merong good parts, meron bad. Kaso nga paulit-ulit. Di ko na rin pinapatulan 'yung mga libro n'ya teolohikal. Basahin ko na lang ulit ang After Theory.