29.6.16

Game of Thrones, Season 6


George R. R. Martin (Larawan mula Wikipedia)



Pinakasatisfying na eksena na ang pagbomba ni Cersei sa sept. Pinakadisappointing ang Arya Arc. Wow moment dapat 'yung pagpatay n'ya kay Walder Frey, e parang, pa'no ka natutong magpalit ng mukha? Sino 'yung babaeng 'yun, pinatay mo rin ba (kung oo, at medyo nagiging okay na, kasi at least monster na si Arya)? Pakiramdam ko talaga disappointment hanggang dulo ang kwento ni Arya. Dapat si Hound na lang ang naging mentor n'ya, kasi wala naman s'yang natutunan sa Bravos.
Siguro nga ito ang pinakamagandang season pagkatapos ng season 3. May complexity sa kwento ni Sansa, pati kay Tyrion. Gusto ko ang nangyari kay Dany, pati kay Jon. (Except 'yung reveal sa dulo, parang gago. Isigaw mo na kasi Lyanna!)
Ano ba naman kasi ang inaasahan natin sa A Song of Ice and Fire? Sa totoo lang di naman ako na-shock sa pagpugot sa ulo ni Ned o sa Red Wedding nung binasa ko ang mga libro. Akala ko normal lang sa fantasy ang mga 'yon. Nang ipalabas ang Game of Thrones at mabasa ko lang ang mga teorya't interpretasyon ako nahikayat na dapat ay anti-fantasy nga ito. Ano nga ba raw ang tax policy ni Aragorn, tanong ni Martin. Pero kasabay ng pagconstruct ng Song sa utak ko ang pagkadismayado sa Game, kasi nga syempre lagi namang mas maganda ang nasa utak natin.
Pinakanakakainis din (!!) 'yung eksena kay Pycelle. Hindi 'yung pagpatay sa kanya, kundi 'yung pagbreak n'ya ng kanyang maskara sa tapat nung sex worker. Samantalang sa unang season, pinakita na kahit sa harap ni Ros nagpapanggap na mahina at ulyanin si Pycelle. Sa deleted scene nga lang kasama si Tywin mulang season 3 s'ya nagbreak ng pagtatanghal.
Dahil nunca namang matatapos ni Martin ang Song, di naman talaga pwedeng wag pansinin ang Game. Sa totoo, kahit naman tapos na ang Song, papanoorin ko pa rin ang Game, kasi tamad akong magbasa ulit ng mga libro. Sa pangkalahatan, hanggang merong moments tulad ng introduksyon kay Lady Mormont at pagpatay kay Hodor, patatawarin ko na ang lahat ng kasalanan ng palabas (EXCEPT ang pagpatay kay Shireen at Stannis AT ang pagpatay kay Roose.)
Di ko rin nga pala gusto ang takbo ng kwento ni Jaime. Sa totoo lang, di ko alam kung saan napulot ng bookreaders ang ideya ng "reformed" s'ya. Isip n'ya tungkol kay Joffrey, "Punla ko lang s'ya at marami pa ako nun." Nandiri lang s'ya kay book-Cersei, pero di s'ya naging mabuting tao. So mas gusto ko ang Jaime dito, except pag kinukumbinsi s'ya ni Brienne na maging mabuting tao at naniniwala naman ang mga manonood na nangyayari/posible nga iyon.

28.6.16

Saints and Scholars


Terry Eagleton (Larawan mula sa Wikipedia)



Noon ko pa itong gustong mabasa at ngayon nabasa ko na. Meron palang mga layunin na di dapat maatsiv. Hindi naman sa pangit ang Saints and Scholars, di nga lang ito kagandahan. Jusko, lahat kasi ng magandang hirit ni Eagleton ay inuulit n'ya. 'Yung tungkol sa wika, tungkol sa Diyos, atbp. Mahusay pa rin na linya: "Anong gusto mo, makulong na lang tayo sa bahay-bilangguan ng wika?"
Kaantig pa rin ng damdamin ang pag-usig niya sa kolonyalismong Ingles, ang paglalahad ng mga krimen nito laban sa Ireland. Nako, pero mas maraming ganyan dito, at syempre dapat kong unahin ang sa atin. Kung sabagay, siguro dapat ding alalahanin, magkaisa sa tayo sa paghahanap ng katarungan.
Pinakapangit na libro ni Eagleton ang Trouble with Strangers, kahit na pangit din naman ang How to Read a Poem at The Function of Criticism. Bukod sa mali-mali tungkol kay Nietzsche, bagaman interesante tungkol kay Badiou, pagkakamali ni Eagleton ang maging boring. Siguro kasi, sinubukan n'yang habaan ang gawa. E amboring. Sa ngayon, pinakamaganda pa rin n'ya ang Marxism and Literary Criticism, bagaman maraming mabuting bagay ang pwedeng masabi tungkol sa Ideology: An Introduction. Galit na galit s'ya kay Richard Rorty.
Dito sa nobela ewan ko ba. Supersama naman ni Stephen ba't s'ya nakipagtanan kay Molly? Di ba n'ya friend si Bloom? Tsaka engot lang ni Molloy, ba't di n'ya binaril agad 'yung Ingles na papatay kay Connolly. Tsaka walang silbi sila Wittgenstein at Bakhtin. Sa tingin ko ang pinakamalaking problema nito, masyado s'yang madaling gawin. Di na kailangan ng "pagbuo," me ideya na naman ang mambabasa tungkol sa lahat ng tauhan. Sino ba naman ang hindi makikisimpatya sa mga rebelde? Kaya ang pinakamahirap na ginawa dito ni Eagleton ay ang pag-atake sa sariling paniniwala (via W at B), at ang paglalaro sa wika at sa ideya ng wika at mito (na, sa totoo lang, ay hindi rin naman siguro ganung kahirap para sa kanya).
Syempre dapat wala nang paghihiwalay ng paggawa (intelektwal, manwal), paggawang-intelektwal (kritiko, malikhaing manunulat), at genre (nobela, dula). Tulad din ng kabuuan ang kritisismo ni Eagleton, merong good parts, meron bad. Kaso nga paulit-ulit. Di ko na rin pinapatulan 'yung mga libro n'ya teolohikal. Basahin ko na lang ulit ang After Theory.

27.6.16

Now You See Me


Isla Fisher (Larawan mula sa Wikipedia)



Una sa lahat gusto kong humingi ng paumanhin kay Christopher Nolan, kasi akala ko s'ya ang nagdirek nito. Pangalawa, gusto kong magpasalamat sa pagiging makakalimutin ko, kasi napanood ko na ang Everything Wrong With video para sa Now You See Me, at inilahad doon kung sino ang mastermind (spoiler: si Hulk). E dahil di ko maalala, bagaman obyus nga na si Hulk, nagkaroon pa rin ako ng suspetsa na si Morgan Freeman o 'yung taga-Interpol (oo, si Morgan Freeman lang ang may tunay na pangalan sa kanila). Kaya at least, nagkakuha pa rin ng sarap sa reveal.
Simple lang naman akong tao. Mahilig ako sa misteryo at mahika. At bagaman merong kabaduyan dun sa kunehong naging sumbrero, tsaka 'yung cards na nagkadikit-dikit sa dulo, at kahit si Hulk ay hindi "tao," i.e. ano bang karakterisasyon ito?, sapat na satisfaction ang nabigay ng pelikula.
Dahil nga napanood ko na ang EWW, nakahuli ako ng isa, yes andami, na foreshadowing sa pagiging mastermind ni Hulk: ang pagsabi n'yang nasa "East" sila nakikipaghabulan imbes na "North," at kinailangan pa s'yang ikorek ni Interpol person. Kaya nga tama na di kaimportante kung maspoil ka e, o na kung wasak na ang palabas dahil naspoil ka, ibig sabihin di kagalingan ang palabas. Naalala ko noon nung naspoil ako na mamamatay si Jesse sa unang episode ng season 5.5 ng Breaking Bad. Hindi lang sa hindi pala totoo, pero nadisappoint akong hindi s'ya namatay. Kahit na namatay s'ya, mahuhusayan pa rin ako, lalo na nga't sigurong alam ko.
Kaya hindi rin siguro kasama 'yung ginagawa ni Morgan Freeman, 'yung pag-expose sa paano ginagawa ang ganito at ganireng magic trick. Kahit naman alam ko e nahuhusayan pa rin ako. Meron sigurong dapat pagsuspetsahan sa mga taong ayaw mawala ang misteryo sa mga bagay-bagay. Pakahusay siguro silang maging murder suspect: "Nako, wag mong ipaliwanag Mr. Poirot, ayokong malaman."
Bagaman merong paglalaro sa relasyon ni Isla Fisher-Lex Luthor-bida ng True Detective, gusto kong higit pa sa romantikong relasyon ang kanilang layunin sa buhay. Ano nga ba iyon? Kasikatan? Perpeksyon (sa arte ng mahika)? Pagiging myembro ng The Eye? Bagaman hindi kinakailangang salungat ang romansa sa perpeksyon, at minsan nga'y nakakatulong pa ito, mahusay na rin na merong nagsasabing maaari mong unahin ang huli sa una.

23.6.16

The Final Girls



Nina Dobrev (Larawan mula sa Wikipedia)


Ano ba kaya ang dahilan kung bakit umalis si Nina Dobrev sa The Vampire Diaries? Tinamad na lang ba talaga s’ya sa role? Kulang ba ang pera? Ganun ba nakakanis makatrabaho ang ex? O gusto lang n’ya talagang maging movie star? Kasi, ano ba s’ya dito? Sige, hindi naman ‘to direct-to-DVD, pero di rin naman s’ya blockbuster. Plus, di pa s’ya ang bida. “Mean girl” lang s’ya, at predictably nga’y namatay.
Pero ano bang pinuputok ng butsi ko? Ang ganda ng The Final Girls. Lalo na ‘yung gumanap na Amanda/Nancy, na s’ya rin bilang gumanap bilang ikalawang Silk Spectre sa Watchmen (pelikulang hindi ko kinamumuhian). Papuri din kay Dobrev, na mahusay sa pagiging bitchesa. Ang pinakapanalo ay si Thomas Middleditch, na lagi kong maaalala bilang Gambit sa Pete Holmes Show (HOLMES: Pwede ka bang bumato ng Magic the Gathering card? MIDDLEDITCH: Akmang-akma iyon).
Hindi ko maintindihan kung bakit nakukulangan ang ibang manonood dahil hindi gaano namparodiya ng “cabin” movies ang The Final Girls. E, una, nagawa na ‘yon ng Cabin in the Woods. Pangalawa, hindi naman ito purong parodiya. Nagtatangka s’yang magpresent ng kwento tungol sa babaeng nawalan ng nanay. Iyon ngang ilan sa mas mapaglarong sandali pelikula ang may kahinaan, halimbawa ‘yung di sila makatakas sa camp pagtapos mataga ni Middleditch, o di kaya’y ‘yung pagtakas nila tungo sa flashback (ba’t di na lang nila niligtas si Brian? Bakit noong unang beses ay nanatili si Nancy sa kasalukuyan pero noong pangalawa’y sumama s’ya kina Max at Chris sa nakaraan? May kabaduyan din ang joke tungkol sa sequel, pero mas katanggap-tanggap naman ‘yon kumpara sa pananatiling buhay nina Dobrev, Middleditch, at babae mula sa Arrested Development). Pero meron din namang metajoke na benta, tulad ng slomo.
Pinakapaborito kong eksena ang pagbagsak ng mukha ni Tina sa bear trap, sunod ang unang mga segundo ng pagstrip ni Nancy, hindi dahil maghuhubad s’ya (bagaman walang masama sa paghuhubad, dahil wala namang masama at mabuti), kundi dahil nakakatawa ang partner nitong kanta. Nakakatawa rin ang pagiging loser ni Adam DeVine, at ang pagkamatay nila ni Paula.
Ano kaya ang mahalaga sa isang aktor? Ang manatiling bida (o kontrabida), o ang magkaroon ng ubod ng daming roles? Stepping stone lang kaya ito ni Dobrev? O ganito ang buhay n’ya? Maliit na mga papel sa mga maliit, at mahusay, na pelikula?

20.6.16

Tremors 5: Bloodlines

Larawan mula sa Wikipedia




Mga tatlo o apat na taon na ang nakakaraan nang huli kong sinubukang panoorin muli ang buong Tremors franchise. Natapos ko naman ang Tremors, pero dahil memorized ko na ito't paulit-ulit na pinanood noong 00s, di na ako natawa sa kanya. Di ko na tinuloy sa Aftershocks. Sobrang hate ko ang television series, tatlo sa sampung episode lang nito ang pinanood ko.
Kung paglalabanin sa isa't isa, ito ang order ng kahusayan ng mga pelikula: Aftershocks, Tremors, Back to Perfection, Bloodlines, saka The Legend Begins. Mas mataas sana ang Bloodlines kaso nakakaburat ang anak ni Burt, na sobrang halata namang anak n'ya e di ba't pa s'ya di na lang nagpakilala agad. Ampangit din ng climax ng Bloodlines. Paboritong linya mula sa The Legend Begins: "Hindi man ako nakapag-aral, alam kong hindi tangkad ang sukatan ng pagiging lalake."
Ano bang gagawin natin sa serye? Mula nang mag-Aftershocks, si Michael Gross na talaga ang bida ng mga pelikula (paumanhin Fred Ward). Sa kanya naman ang mga pinakamahusay na hirit: "Alam mo bang sinisi n'ya ang paghihiwalay namin sa pagbagsak ng Unyong Sobyet?" S'ya rin ang kumakatawan ng espiritu ng Tremors: merong halimaw at kailangan itong patayin bago tayo patayin nito. (Sa Back to Perfection may kaunting otokritik na naganap: kailangan lang pakain ang assblaster para matalo, mas gusto pa nilang makasama si El Blanco kaysa ibenta ang lupa/kalayaan sa real estate magnate na si Marvin.) Sa pagtawag sa mga graboid, shrieker, assblaster o sa kahit anong meron bilang "halimaw," nagkakaroon na ng lehimitasyon ang pagpatay sa kanila. Hindi man lang nga lehimitasyon e, kundi saya.
Nagsusubok akong manood muli ng maraming pelikula, at ito ang pang-apat na napanood ko sa huling dalawang linggo. Kahit hindi paart ay ito ang pangalawa sa pinakagusto ko. Nostalgia syempre, dahil hindi lang naman ako ang nood nang nood sa Tremors noong 00s. Hindi ka na pwedeng umuwing muli, este di maaaring ibalik ang kahapon, pero atlist pwede mong alalahanin ang mga masayang araw.