Nina Dobrev (Larawan mula sa Wikipedia) |
Ano ba kaya ang dahilan kung bakit umalis si Nina
Dobrev sa The Vampire Diaries?
Tinamad na lang ba talaga s’ya sa role? Kulang ba ang pera? Ganun ba nakakanis
makatrabaho ang ex? O gusto lang n’ya talagang maging movie star? Kasi, ano ba
s’ya dito? Sige, hindi naman ‘to direct-to-DVD, pero di rin naman s’ya
blockbuster. Plus, di pa s’ya ang bida. “Mean girl” lang s’ya, at predictably
nga’y namatay.
Pero ano bang pinuputok ng butsi ko? Ang ganda ng The Final Girls. Lalo na ‘yung gumanap
na Amanda/Nancy, na s’ya rin bilang gumanap bilang ikalawang Silk Spectre sa Watchmen (pelikulang hindi ko
kinamumuhian). Papuri din kay Dobrev, na mahusay sa pagiging bitchesa. Ang
pinakapanalo ay si Thomas Middleditch, na lagi kong maaalala bilang Gambit sa Pete Holmes Show (HOLMES: Pwede ka bang
bumato ng Magic the Gathering card?
MIDDLEDITCH: Akmang-akma iyon).
Hindi ko maintindihan kung bakit nakukulangan ang
ibang manonood dahil hindi gaano namparodiya ng “cabin” movies ang The Final Girls. E, una, nagawa na ‘yon
ng Cabin in the Woods. Pangalawa,
hindi naman ito purong parodiya. Nagtatangka s’yang magpresent ng kwento tungol
sa babaeng nawalan ng nanay. Iyon ngang ilan sa mas mapaglarong sandali pelikula
ang may kahinaan, halimbawa ‘yung di sila makatakas sa camp pagtapos mataga ni
Middleditch, o di kaya’y ‘yung pagtakas nila tungo sa flashback (ba’t di na
lang nila niligtas si Brian? Bakit noong unang beses ay nanatili si Nancy sa
kasalukuyan pero noong pangalawa’y sumama s’ya kina Max at Chris sa nakaraan?
May kabaduyan din ang joke tungkol sa sequel, pero mas katanggap-tanggap naman
‘yon kumpara sa pananatiling buhay nina Dobrev, Middleditch, at babae mula sa Arrested Development). Pero meron din
namang metajoke na benta, tulad ng slomo.
Pinakapaborito kong eksena ang pagbagsak ng mukha ni
Tina sa bear trap, sunod ang unang mga segundo ng pagstrip ni Nancy, hindi
dahil maghuhubad s’ya (bagaman walang masama sa paghuhubad, dahil wala namang
masama at mabuti), kundi dahil nakakatawa ang partner nitong kanta. Nakakatawa
rin ang pagiging loser ni Adam DeVine, at ang pagkamatay nila ni Paula.